Pilit kong inaalala ang aking mga kabarangay noong dekada 60's. Maaring ang ilan sa kanila lalo't mga kasing edad ng aking mga magulang ay yumao na, kung hindi naman ay matatanda na rin tulad ng aking amang 86 taong gulang na ngayon. Marahil ang ilan sa kanila ay lumikas o umalis na rin ng Bulala.
Umalis ako ng Bulala noong dekada 70 at mula noon ay paminsan-minsa'y umuuwi pero mga ilang oras lamang ang itinatagal sa ating barangay. Wala nang pagkakataong makausap man lang ang ilang kababata, kaibigan at kapitbahay sa ilang kadahilanan.
Ang mga sumusunod na pamilya ay mga orihinal noong mga panahong iyon at tulad ng nasabi ko'y ang ilan marahil ay di ko na matandaan:
Pamilya de Jesus, Ayroso, Concepcion, Mariano, Esteban, Lazaro, Garcia, Fabian, Ramos, Balcorta, Daileg, Sison, Escobar, Bangayan, Ballesteros, Mateo, Alejo, dela Cruz, Ordinario, Tomas, Moises, Valdez, Diaz, delos Reyes, Nacionales, Deocalis, Tejo, Marcos, Manlapig.
Tulad ng nasabi ko, ang ilan sa kanila ay di ko na matandaan pero pilit kong naaaninag pa sa aking isipan ang kanilang mga mukha noong huli ko silang makita at marahil kung mga buhay pa sila ngayo'y maaring nag-iba na rin ang kanilang mga anyo tulad ko.
Sana sa aking pagbabalik na muli sa ating barangay, kung di ko man kayo makilala, sana'y kung makita ninyo ako'y magpakilala kayo kung sino kayo at tayo'y magyakapan. At sa mga bagong dating sa ating barangay mula noong ako'y lumisan at hindi ako nagkaroon ng pagkakataong makilala kayo, ako po'y malugod na nagpapakilala.
Courtesy of Mr. Tony T Andaya
No comments:
Post a Comment